Saturday, March 29, 2008

MAGBABALUT



Uugod-ugod patungo sa kanyang distinayos habang nakabitin sa kanang braso ang isang lumang basket.
Sa intruswelo, eskinita, sa mga nagsasayawang kukuti-kutitap na ilaw.
Sa isang bahay sambahan ay titigil, uupo at mamamahinga na tila nagsusumamo ng kaunti pang lakas.
Suot ang isang lumang pangginaw habang natatakpan ang isang gusgusing bistida na umimpis na ang kulay dahil sa kalumaan. Nakatabong ang isang bull cap na kulay pula na tumatakip sa mga ubaning mga buhok nito.
Ibubulalas ang paminsan-minsang impit at garargar na sigaw na halatang pilit.
Kung aakalain isang mahiyaing tao dahil sa nayukong katawang sanhi ng baluktot na likod nito animo’y bakal na bumaluktot dahil sa pagkadarang sa init ng apoy.
Sa halos apat napung taon, paulit-ulit, paikot-ikot ang buhay ni Lola Nikolasa. Bagaman 75 taong gulang na ay ipinagpapatuloy ang paglalako ng balut gabi-gabi sa Sta. Mesa, Manila.
Itinuturing na isa sa pinakamatandang nanirahan ni Lola Nikolasa sa kahabaan ng riles ng tren sa Sta. Mesa na ngayon ay lalong pinalala ang kalagayan dahil sa kawalan ng lalong katiyakan sa kabuhayan nito. Noong isang taon ay sapilitang pinalikas si Lola Nikolasa kasama ang pamilya nito patungong Bucaue, Bulakan upang bigyang daan ang pagpapaganda sa kahabaan ng riles sa Sta. Mesa. Subalit mga ilang araw lamang kasama ang apat na anak at apo ay napilitan itong bumalik sa naturang lugar dahil sa kawalan ng kabuhayan sa Bulakan.
Sa gilid ng PUP sama-samang pinagkakasya ang mga katawan habang natutulog sa isang tagpi-tagping barung-barong. Samantalang ang ibang anak nitong si Antonio 45, Teresita 38 ay nakikitulog na lamang sa kanilang mga pinapasukang pagawaan sa Pasig. Ang iba pang anak nito na si Jeffrey 31, trolley driver at Mario isang pedicab driver ay ginawang kama na lamang ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Samantalang sa kabila ng katandaan ni Lola Nikolasa ay solo nitong inaalagaan ang mga apong natigil sa pagaaral sanhi ng dislokasyon habang namamasada ang dalawang anak.
Pagsapit ng alasingko ay mamimili ito ng 30 pirasong itlog pato sa kalapit na palengke at pag-uwi ay magsisiga ng apoy upang ilaga ang mga nabiling mga itlog para maging balut. Dakong ala-siete ng gabi ay ihahanda na nito ang mga balut. Matapos masiguradong kumpleto ang mga apo ay maglalako naman ito ng balut hanggang alas dose ng hating gabi.
Araw ng linggo at sabado maituturing na suwerteng araw kay lola Nikolasa dahil matao sa simbahang pinupuwestuhan ng paninda nito. Sa puhunang P7.75 perasong itlog na binibili nito ay naibebenta niya ng P12 kada isang balut.
Si Lola Nikolasa ay isa lamang sa mga lolang maituturing na inaabuso ang kanilang katandaan na matapos makuba sa pagtataguyod ng mga anak , ngayon naman ay mga apo ang pinagsisilbihan. Na dapat sanay sa taglay na edad ay dapat sanang ilaan na lamang ang buhay sa paglilibang at lasapin ang sarap ng pagiging retirado.
Sa ganitong kaso sino nga ba ang maaring sisihin. Ang kanyang mga anak na halos kanilang sarili ay halos di rin kayang suportahan ang kumakalam na sikmura dahil sa kakarampot na kinikita o ang pamahalaan na dapat kumalinga sa mga matatandang dating pinakinabangan narin dahil sa pagbabayad ng buwis.
Ayon kay Vergilio F. Rivas isang propesor ng sosyolohiya sa PUP, ang ganitong kalagayan ng mga matatanda ay bahagi narin ng kulturang Pilipino kung saan ang pamilyang Pilipino ay magkakayakap na hinaharap ang anumang alon sa buhay. Sa katunayan sa elementarya pa lamang ay itinuturo ang kasabihang ang ina ay ang siyang ilaw ng tahanan. Sa makatuwid pabirong sinabi ni Prof. Rivas na kung ang ina ang ilaw ng tahanan ang lola naman ay ang ilaw ng mga ilaw. Maituturing ang mga lola aniya na isang malakas na pinanggagalingan ng enerhiya na siyang nagbibigay lakas upang mabisang makapagbigay ng liwanag ang isang ilaw ng tahanan.
Katibayan rin sa paniwalang ito ang nangyari kay Melchora Aquino na di inalintana ang katandaan upang pagsilbihang ang mga katipunero sa panahong ng panunupil ng mga dayuhang kastila.
Ayon naman kay PUP Chaplain Fr. Lonnie Borg, dahil umano sa ang Pilipino ay isang bansang katoliko maaring inihahambing ang mga lola kay Inay Maria na matapos masaksihan at tiisin ang paghihirap ng kanyang anak na si Jesus ay pumayag pa itong maging ina ng mga desipulo ni Jesus.
Sa ginawang pananaliksik nina Natividad JN at Cruz GT (www.pubmed.gov) nakatala sa kanilang libro na Journal of Marriage and Family na sa 2,285 na edad 50 at 1,131 edad 60, 92.5% dito ay pawang taga pag-alaga ng kanilang mga apo. Malinaw na sa panahong isinagawa ang pananaliksik noong 1996 ay may malaking pursyento na ng mga lola sa Pilipinas ay kabilang sa naabusong mga matatanda.
Naitala rin sa naturang libro na sa Pilipinas nanguna ang rehiyon IV na may pinakamalaking bilang ng mga “senior citizens” samantalang ang pumangalawa naman ang rehiyon VI, pangatlo ang rehiyon III at National Capital Region ang pumangatlo.
Sa kaso ni Lola Nikolasa na patuloy sa paghahanap buhay para sa mga apo at naniniwalang ang kanyang mga apo ang kanyang tanging yaman di mapapasubalian na isa nga siya sa inaabusong lola ng kanyang sariling mga anak na silang dapat kumalinga sa kanilang magulang.
Ang mga katulad ni Lola Nikolasa ang dapat pagkalooban ng kagyat ng tulong mula sa iba-iban ahensya particular ang pamahalaan. Subalit mayroong nga bang batas na tumataguyod sa kagalingan ng mga lola sa bansa.
Noong Enero 1992 isinabatas ang Republic Act 7432 na lalong kilala sa tawag na Senior Citizens Act kunsaan kinikilala ang kontribusyon ng mga senior citizen bilang kabalikat sa pagunlad ng bansa. Kalakip nito ang pagbibigay benipisyo at prebilehiyo sa matatanda.
Sa naturang batas ang ang kahulugan senior citizen ay ang mga may edad 60 pataas, na nagretiro sa pagtratrabaho sa pamahalaan at prebadong ahensya ng paggawa ay maituturing na mga senior citizen.
Maliban sa edad, itinuturing ring kasama sa senior citizen ang mga Pilipino na naninirahan sa Pilipinas ng may umabot kumulang sa 183 araw at nagnanais na ipagpatuloy ang pagtigil sa bansa.
Ang mga papasok sa kategoriyang ito ay nararapat pagkalooban ng indentification card na nagsasaad ng kanilang pagiging senior citizen at ang naturang ID ay magiging basehan upang magkaroon ng malaking pursyento kabawasan sa anumang bilihin o serbisyo nais nila.
Samantalang sinusugan naman ang paunang batas ng Republic Act 7876 o batas na nagpapahintulot sa pagtatayo ng isang sentro para sa mga senior citizen sa lahat ng dako ng bansa.
Ayon dito kinakailangang magtalaga ng mga lugar ang pamahalaan na maaaring maging sentro para sa pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, libangan at iba pang programang kakalinga sa kagalingan ng mga senior citizen.
Ipinaguutos ng naturang batas ang pagsasagawa ng koordinasyon ng iba-ibang ahensya ng pamahalaan particular ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).dp

No comments: